Sapagkat ang Pilosopiya ay Ginagawa Roque J. Ferriols, S.J.

Sapagkat ang Pilosopiya ay Ginagawa
Roque J. Ferriols, S.J.
Ateneo de Manila University

Pagtanong at Paggawa
Sapagkat nagsisimula tayo ng kurso ng pilosopiya, marahil gusto mong tanungin: ano kaya ang pilosopiya? Lalong mabuting gawin muna bago pag-usapan kung ano. Sapagkat ang pilosopiya ay ginagawa. Natututo tayong lumakad sa paglakad, magbisikleta sa pamimisikleta, lumangoy sa paglalangoy, magmaneho ng kotse sa pagmamaneho ng kotse. Ganyan din sa pamimilosopiya.  Sa lahat nito ay maari tayong tulungan ng isang kaibigan na mamilosopiya, magmaneho, lumangoy, magbisikleta, at pati lumakad. At marahil sasabihin natin na tinuruan niya tayong magbisikleta, atbp.
At ano kay ang iniisip ko kapag aking sinasabi na tinuruan akong magbisikleta ng isang kaibigan? Sa palagay ko’y aking naaalala kung papaanong pinangatawanan niyang paligiran ako ng isang kalagayan upang ako’y matauhan na ako ri’y maaring magbisikleta. At pinamumulat niya sa akin na, upang maisagawa ko itong pagka-maaring ito ay kailangan kong magsipag at magtiyaga… at kaya kong magsipag at magtiyaga. Tinuruan akong magbisikleta ng isang kaibigan. Ang ibig sabihin: Sa kanyang pagpapakita, pagtawag ng pansin, pagsusubaybay, pagbibigay-loob, pagmamakulit… nagisnan ko na nasa aking sariling pagpasya kung isasagawa ko itong pagka-maaring ito o hindi. Pinasya kong isagawa.  At niloob kong tupdin ng buong sipag at tiyaga. At sa wakas nagbibisikleta na ako.
At hawig diyan ang masasabi ukol sa maneho, langoy, lakad, at pati sa pilosopiya.
 Instrumento sa Paggawa ang Kataga
 Habang tinuturuan ako ng aking kaibigan, paminsan-minsan siyang nagsasalita. Nagbibitiw siya ng mga kataga. Hindi siya nagkakabit-kabit ng mga kataga upang bumuo, halimbawa, ng isang matunog na diskurso uko sa: Ano ba ang magbisikleta? Kung ganyan ang ginawa niya, hindi pa sana ako makabisikleta ngayon.  Pero marunong sana akong magdiskurso ukol sa pamimiskleta.  Ang mga salita ng nagtuturo ay mga instrumento sa paggawa. Nakikilalang wasto ang mga salita kapag ang tinuturuan ay nakapagbibisikleta na.
 Ayaw Nilang Lumundag pero, para sa Kanila, Marunong na Sila
 May mga taong gusto raw matutong lumangoy. Nakasuot panlangoy na sila at sama-sama silang nakatayo sa tabi ng swimingpul. May notbuk at bolpen ang bawat isa.  Nagsasalita ang guro. 
“Una sa lahat,” aniya, “magsanay ka munang magtampisaw sa tubig.  Tapus, huwag huminga pero idilat ang mata at pagpasailalim ng tubig.  Tapus bastat’t dumapa.  Huwag matakot. Lulutang ka.  Tapus, matutong gumalaw ng paa. Matutong gumalaw ng kamay.  Matutong huminga. At paulit-ulit na pagsikapan at pagtiyagaan ang praktis.”
Habang siya’y nagsasalita, masipag nilang sinusulat ang lahat ng sinasabi niya.
“At ngayon,” patuloy niya, “eto ang swimingpul.  Oras nang magsimula. Lundagin mo beybe!”
Walang lumundag, pero sulat ng sulat pa rin sila.
“Hoy, sa tubig na kayo! Walang kabuluhan ang sulat-sulat ninyo kung hindi ninyo ginagawa!”
Wala pa rin lumundag. Sulat pa rin sila ng sulat.
“Hoy! Gising! Hindi ba ninyo nakikita na nag-aaksaya lamang tayo ng panahon?” 
Dito, may bumaling sa guro: “Bakit ka ba nagagalit? Hindi mo ba nakikita na mahalaga sa amin ang lahat ng sinasabi mo? Eto.” At pinakita niya ang kanyang notbuk. Naroroon ang buong talumpati ng guro mula sa unang salitang hanggan sa huli... hanggan sa “Hoy! Gising! Hindi ba ninyo nakikita na nag-aaksaya lamang tayo ng panahon?”
Nagsimula silang lahat na magsiuwi. Yamot at galit. “Biruin mo, pinagalitan pa tayo!”
Pero natutuwa pa rin sila. Masasabi ng bawat isa na kompleto ang kanyang notbuk. Naisulat nila ang bawat sinabi ng guro. Kaya’t inaakala nilang natuto na sila.  Ayaw nilang lumundag pero, para sa kanila, e marunong na sila!

E Kasi Bata

Nagkataon na nagsusulat ako sa bahay ng isang kaibigan na marami ang anak. May maliliit na batang naglalaro sa kapaligiran.  Guguhit-guhit sila ng krayola sa papel.
“Marunong ba kayong kumopya ng bulaklak?” tanong ko.
“Oo,” tugon nila. Pumitas ako ng isang bulaklak sa hardin.
“Tingnan ninyo kung madodrowing ninyo ito.”
Iyong bulaklak ay may kumpol na mali-liit na ga-palito sa gitna, kulay lila, matindi, naaabayan ng dalawang dahon, lunti sa kaliwa, lunti sa kanan. Masipag na yumuko ang mga bata sa kanilang papel. Mamaya’y tumuwid sila at nagmalaking itinaas ang mga drowing. Maraming bulaklak ang kanilang iginuhit. Bawat bulaklak ay may gintnag mabilog na matindi ang kulay, bawat gitnang mabilog ay napapligiran ng malalaking talutot na matindi rin ang kulay.  Sari-sari ang mga kulay. Maganda! Pero hindi nila kinopya ang pinitas sa hardin.
“Hindi ninyo kinopya ito,” sabi ko. 
 “Bulaklak ang mga ito,” anila.
Nangyari yata na sa klase ng drowing ay natutunan na nila ang isang patakaran sa pagguhit sa bulaklak.  Kapag narirnig nilang “drowing” at “bulaklak”, otomatik nang kikilus ang kamay. Gitnang mabilog, malalaking talutot.  Hindi na sila titingin sa bulaklak na iniaalok sa kanila. Hindi na sila gagawa ayon sa nakikita.
Iba naman ang nangyari isang umaga. Naglalakad akong nagbabasa ng brebyaryo.  Iyong daan ay tumatawid sa kabukiran. Kaaararo lamang ng masaganang putik ng tag-ulan.  Sariwa ang sikat ng araw sa likod ko at nakikita kong umuuna sa akin ang aking mahabang anino.  Nakarinig ako ng maliksing takbo, at sumipot ang isang maikling aninong umaabay sa anino ko.  May kumalabit sa akin.
“Ano iyon?” tinuturo ng bata ang kanyang anino.
“Ewan,” wika ko.
Itinaas niya at kinaway ang kanang kamay.  “Tingnan mo. Gumagalaw!” aniya
“Oo.”
“Bakit?”
“Ewan.”
Masusi siyang titingin-tingin noong biglang lumiko ang daan at nahulog sa putik ang aming anino.  Nagsimula siyang tumakbo ng sulong-balik-sulong-balik-sulong-balik habang palingon-lingon niyang pinagmamasdan ang kanyang anino.
“O. Sumusunod.” Noong kuwan napagmasdan niyang na sa putik ang anino. “Napuputikan ba?”
“Ewan.”
“Bumaba ka.  Tingnan mo.”
“Ikaw na lang.”
Kapag hindi nababara sa otomatik na patakaran ang bata, buhay na buhay ang kanyang katutubong pananabik matuto.  At tingin siya nang tingin.  Tanong nang tanong. At ang tanong ay nagiging bukal ng pagtingin – masusing pagtingin.

Pagtingin

 Tingin tayo nang tingin.  Kailangan lamang nating dumilat at marami tayong makikita.  At ang pagtingin ay isang gawain na ako lamang ang makagagawa, kung ako nga ang makakakita.  Kahit na napanuod na ng aking matalik na kaibigan ang isang sine, kailangan ko pa rin panuorin… kung ako nga ang gustong makakita.  Kahit na gaano kadikit ang aming pagkabuklod, hindi siya maaring tumingin sa isang paraan na ako ang nakakakita.  Kung ako ang makakakita, ako lamang ang makatitingin.
Oo.  Maari mo akong tulungan tumingin.  Maari mong sabihin, “Tingnan mo, plat ang goma ng Pajero.” Hindi ko nakita kanina.  Pero ngayon, salamat sa iyo’y nakikita ko na.  O baka meron akong nakitang hindi mo napansin.
“Tumingin ka sa pagitan ng dalawang sanga ng mangga; may kumpl na tatlo ang bunga.” Hindi mo nakita kanina.  Ngayo’y tumingin ka.  Pero sa lahat nito, ikaw lamang ang maaring tumingin kung ikaw nga ang makakakita.  Ako lamang ang maaring tumingin kung ako nga ang makakakita.
At tumingin nga tayo palibhasa’y tigib ang daigdig sa mga nagpapakita, nagpapamasid.  Parang sinasabi ng bawat nilalang, “Tingnan mo, pagmasdan mo ako.” At sabik tayong tumutugon sa kanilang tawag.
At kung may magtatanong, “Ano ba ang tumingin, ang makakita?” Hindi natin masasabi talaga kung ano.  Ang buod ng karansan ay alam lamang ng taong dumilat at tumingin at nakakita.  Hindi niya masasabi, pero talaga niyang nalalaman at talaga niyang nagagawa.  At kung may magtatanong, “Papaano mong mapapatunay na kaya mong makakita’t tumingin?” Ang masasagot lamang natin (kung hindi bulag ang nagtatanong) ay, “Dumilat ka!”

Pag-Uunawa

       May uring pag-uunawa na maihahambing sa pagtingin.  Halimbawa, sinasabi natin na 2 + 2 = 4 sapagkat nakikita natin na ganyan nga ang angkop na pag-iisip. Nakikita natin, sa umuunawang pagtingin, ang pagka-dalawa ng dalawa at ang pagka-apat ng dalawang dalawa.  Kung may tatanggi diyan, wala tayo talagang masasabi.  Pero hindi rin natin maipakakaila (kung mananatiling tayong tapat sa katotohanan) na hindi siya talagang nag-iisip.  Sapagkat sa isang kilus ng ating pag-uunawa na hawig sa kilus ng matang tumitingin, kitang-kita natin na 2 + 2 = 4.
May nagsasalita.  Bigla siyang nagbiro.  May kislap na lumiwanag sa ating pag-uunawa at tumawa tayong lahat.  Sa biro, meron tayong talagang nakikita, talagang nauunawaan.  Sa tawa, kusang nanginginig ang katawan, sapagkat pinasabog ng kislap ang pag-uunawa.  At kung mag nagbiro at hindi ko nahuli iyong kislap, wala akong nakitang katatawanan at hindi tunay na tawa ang aking ibinubuga.
2 + 2 at kislap ng biro. Dalawang halimbawa na hindi gaanong mahirap makita at maunawaan.  Marami ang mga ibang posibleng halimbawa.  At ang kapansin-pansin sa mga tinutukoy na halimbawa ay: Na kaya kong umunawa.  Na kung titingin lamang ako, ako’y makakaunawa. Maaring makaunawa ako sa isang sandali ng pagtingin.  O maaring mangyari na makakaunawa lamang ako pagkatapos ng mahabang panahon ng pagsikap makakita, at makakita ng malalim at buo.  Pero sa lahat, may kilus ang pag-uunawa.  Tinatablan ng pag-uunawa ang inuunawa.  Kailangang tumingin ng isip.
Isa pang kapansin-pansin sa mga tinutukoy na halimbawa ay na kaya ko ngang umunawa. Pero ako lamang ang maaring umunawa kung ako nga ang makakaunawa.  Kahit na mahigpit na magkadikit kita sa pagkakaibigan, hindi mo kayang umunawa sa isang paraan na pagkatapos, ako ang nakaunawa.  Ako lamang ang makapagpapairal sa aking pag-uunawa kung nais kong umunawa.  Ikaw lamang maaring umunawa kung ikaw nga ang uunawa.
Ang maaring mangyari ay na makipagtulungan tayo upang makaunawa ang bawat isa.  Maari tayong maging guro sa isa’t-isa.  Ang guro mong tunay ang lumikha ng kapaligiran upang maging posible na ikaw ang makakita sa totoo.  Ang marunong magturo ay nagbibigay ng inspirasyon.  Inuudyukan kang patalasin ang paningin ng iyong isip, kung kaya’t tatablan ng iyong tingin ang tinuturo ng kanyang daliri.

Pag-Uunawa: Inihambing sa Pagtingin

         Mababakasan natin sa paggamit ng wika, na bukal sa taong ihambing ang pag-uunawa sa pagtingin.  Madalas, ni hindi natin pansin na gumagamit tayo ng ganitong paghahambing.  “Hindi ko makita kung bakit sila tawa nang tawa.” “Ang labo ng kanyang sinasabi.” “Walang nakakakita sa katuturan ng iyong mga pag-aargumento.” “Magpakita ka nga ng dahilan kung bakit tama ang ginagawa niya.” O maaring mangyari na biglang nagkablakawt habang may nagbibigay ng talumpati.  At kung itinuloy pa rin niya, at kung malinaw siyang maglahad, sasabihin natin, “Maliwanag ang kanyang talumpati,” kahit na ang dilim-dilim habang siya’y nagsasalita.

Tingin ng Mata at ng Isip
             Pinagmuni-munihan natin kung papaanong timitingin ang mata at umuunawa ang isip.  Ating pinagmasdan kung papaanong magkahawig ang galaw ng dalawa; kaya’t hindi natin maiwasang ihambing ang isa sa isa; ihambing, halimbawa ang tingin ng mata sa unawa ng isip; o ihambing ang liwanag na naggagaling sa araw, sa liwanang ng isip na tumatalab sa nadarama. Hiwalay nating tinalakay ang isip at ang mata.  Isang patakaran ito ng isip-tao. Hinihiwalay ang nagkakaisa at iniisa-isa ang hiniwalay upang kahimanawari’y luminaw ang pag-uunawa. Tamang patakaran ito, sapagkat ganyan ang kailangan ng isip-tao.  Madalas makasusuri lamang tayo sa pamamagitan ng pag-iisa-isa.  Ngunit, kapag nagawa na ito, kailangang alalahanin uli, at muling pagmasdan, na ang hiniwalay ay nagkakaisa.  Kung minsan, nalilimutan natin gawin ito.  Ang dapat sanang pansamantala ay ginagawa nating palagian.  Nalilimutan natin, halimbawa, na hindi mata ang tumitingin.  Ikaw ang tumitingin at ako. Baka hindi na natin mapansin na hindi isip ang umuunawa, kundi ikaw ang nag-iisip at umuunawa, at ako.
Kung minsan, maaring gumalaw na lamang ang ating pagmumuni-muni sa idea ng pagtingin ng mata at sa idea ng pagtingin ng isip. Kaya maaring may magsabi na nakikita ng kanyang mata na nag-iiskeyting si Petra, pero nakikita naman ng kanyang isip na magaling ang iskeyting ni Petra.  Para bagang ang importante ay tapatan ang hiwalay na idea ng hiwalay ding idea. Nalilimutan na ang idea ay labi lamang ng pakikisalamuha sa talagang nangyayari.  At na ang importante ay hindi paglahad ng magagandang pagtatapatan ng mga idea.  Ang ganyang paglalahad ay madalas nagiging otomatik na patakaran na nakakabara sa wastong pag-uunawa.  Ang importante ay pairalin ang pakikisalamuha sa talagang nangyayari.
Kung palulundagin ko ang aking malay tao sa buong nararanasan, makikita ko, bilang isang buong nagpapamasid, na nag-iiskeyting si Petra.  Na alam ko na iskeyting ang nakikita kong ginagawa niya, ay kaalaman at pag-uunawa.  Kung sakaling ngayong lamang ako nakakita ng iskeyting, baka ako malito, at tatanungin ko, “Ano iyon?” Tanong ng pag-uunawang gustong makaunawa.  At kung sakaling pumikit ako, hindi ko malalaman na magaling ang iskeyting ni Petra.  Pero sa dilat na pagtanaw, mauunawaan ko ang kanyang galing.  Ang liwanag ng pag-uunawa ay tumatalab sa nakikita ng mata.  Liwanag ng pag-uunawa ang pagmumuni-muni sa “ano” at “papaano” at “meron ba”.  Ang kumikulus ay hindi dalawang bagay (mata at isip) na sabay gumagawa ng dalawang bagay (tingin at unawa).  Ang gumaganap ay isang buong tao (ikaw o/at ako o/at kung sino pa) na may maraming komplikadong kilus, ngunit lahat ay nagkakaisa at bumubuo sa isang simpleng gawain: saluhin ang nagpapamasid na talagang totoo.

Nagigisnan ng Buong Tao ang Buong Daigdig

             Hindi lamang pagtingin ang nakasangkot.  Halimbawa, ang nangingilatis kung tunay na alahas ang isang bato, ay hindi lamang sinsilip ang liwanag na tumatalab sa batong iyon, kundi kinakagat rin ang bato upang matikman at madama sa dulo ng dila kung ano ang katotohanan ukol sa batong iyon.  Natitikman sa mismong alak, ng nangingilatis sa alak, ang lugar at taon na pinanggalingan ng alak.  Natitikman at naaamoy ng namumulot-pukyutan sa mismong pulot, ang mga bulaklak na pinagkunan ng mga bubuyog.  Kapag hinihipo ng bulag ang pisngi ng kakilalang kaharap niya, nadarama niya kung sino iyon.  Ang buong pag-uunawa ng tao ay sumasa-pandama; ang buong katipunan ng pandama ay sumasa-pag-uunawa.  Kaya’t nagigisnan ng buong tao ang buong daigdig.
Nagigisnan ng buong tao ang buong daigdig.  Hindi sapat na sabihin ito.  Kailangan matauhan ka.  Danasin mo.
Pati ang hindi nakakakita ay nakakaunawa sa isang paraan na maihahambing rin sa pagtingin.  Mababasa natin sa talambuhay ni Helen Keller na noong tatlong taon pa lamang siya’y nagkasakit siya nang malubha, nabulag at naging bingi.  Bata siyang malungkot at masungit.  Madalas nagluluko at nagdadadabog.  Noong kuwan pumasok si Miss Sullivan sa kanyang buhay.  Ginawang posible ng gurong ito, na matauhan si Helen na meron siyang kakayahan na dumama at umunawa sa daigdig.
Isa sa mga itinuro kay Helen ay magsalita sa pamamagitan ng mga hudyat na “sinusulat” ng daliri sa palad ng kamay.  Isang araw, ibig ituro sa kanya ng guro ang palad ng katagang “tubig”.  Inilapit sa kanya ang isang tasang may tubig.  Tapus isinulat sa kanyang palad: “tasa”… pinahipo ang tasa… “tubig”… pinahipo ang tubig. Nagluluko si Helen noong araw na iyon at palagi niyang binabaliktad ang dalawa.  Sa wakas sumuko na ang guro para sa araw na iyon, at pinasyang mamamasyal sila. Noong nakalabas na sila ng bahay, nalanghap ni Helen ang kakaibang hangin.  Narinig niyang may nagdidilig sa hardin.  Biglang hinila ng guro ang palad ni Helen, sinulat ang “tubig”, at saka itinapat sa umaagos na tubig.  Sabi ni Helen na nadama niya ang tubig, malmig at lumulundag; sariwa, masaya, malaya.  Sa sandaling iyon, tumalab sa kanya kung ano ang tubig, at nadama niya paghalina ng daigdig.  Sa palagay ko, ito ay isang pag-uunawa na maihahambing sa pagtingin.  Ginulat siya ng guro at natauhan siya na siya ang maaring umunawa.  Kaya rin ng bulag na makita ang kayamanan ng daigdig.  Nagisnan ni Helen, sa kanyang buong katauhan, ang buong daigdig.

Sinipi mula sa Papel ng Isang Estudyante

         Sa pagsusulit na ginanap noong 1 Hulyo 1996, may mahalagang sinulat sa kanyang papel si Michael Ali Domingo Figueroa.  Minabuting loob niyang pahintulutan na sipiin ko sa ating pagmumuni-muni:
“Anim na taong gulang si Jep Jep at tinanggal ang kanyang mata dahil sa kanser. Nakilala namin siya nang dumalo ang pamilya nila sa konsiyerto namin (Bukas Palad Music Ministry) sa Mary the Queen Church.
“Matamlay raw si Jep Jep at nagsusuka buong araw dahil sa chemotherapy niya, ngunit dumalo pa rin dahil para sa kapakanan ng mga batang may kanser ang konsiyerto.  Halus patay raw ang hitsura niya.
“Ngunit noon nagsimula ang musika, tila may nagising na kislap sa malay ni Jep Jep. Umupo siya ng tuwid sa kanyang upuan, ngumiti, tumawa, pumalakpak. Lalong lalo na nang awitin ang ‘Song of Creation’.
“Bagaman bulag, ginising ng tunog ng musika ang malay tao ni Jep Jep. Naunawaan niya ang musika, at natuwa siya.
“Magmula noong hanggang namatay siya ilang buwan nang nakalipas, bumabalik ang sigla sa madilim na mundo ni Jep Jep tuwing tutugtugin ang mga awit ng Bukas Palad.”

Kailangan ang Paniniwala at Kailangang Kilatisin

         Pero hindi natin maaring makita, madama o maranasan ang lahat-lahat.  Malaking bahagi ng ating pagharap sa mundo ay nababatay sa mga hindi natin nakita o naranasan.  Ibang tao ang nakakita o nakadanas at naniwala tayo sa kanila. Alam kong may syudad ng Paris kahit na hindi ako yumapak doon kailanman. Naniniwala ako sa mga bidahan ng mga taong sanay tumawid sa mga lansangan ng syudad na iyon. Kinukuha ko ang gamot na itinalaga ng doktor kahit na hindi ko nakikita kung angkop nga o hindi.  Basta’t naniniwala ako.  Ganoon rin, naniniwala ako kagabi noong sinabi nila sa telebisyon na, sa larawang satelayt na pinakita, iyong parteng minarkahan ng bilog ay pinapatunay na may mangkok na laba na nabubuo sa Pinatubo.  Hindi ako marunong magbasa ng larawang-satelayt.  Naniniwala ako sa marurunong.  Ganoon din, hindi ko masakyan ang eksrey, pero naniniwala ako sa mga marunong gumawa ng interpretasyon.
Hindi natin maiwasang magtiwala sa ating kapuwa, palibhasa’y malawak ang daigdig at makitid ang naaabot ng ating karanasan.  Ngunit, kailangan bang maging bulag sa paniniwala? Ang kabaligtaran ang kailangan: magmatino sa paniniwala.  May ilang mga pagmumuni-muni na maaring makatulong tungo sa isang matinong pagkakatiwala.
Ang taong mapapaniwalaan ay itinuturing natin na tunay na bukal ng kaalaman at karunungan. Kailangan na siya ay:
1)      Marunong magmasid at umunawa: Halimbawa, masusi niyang pinupuna ang mga nangyayari sa harapan ng kanyang mata; at gumagawa lamang siya ng interpretasyon kung talaga siyang may kakayahan, halimbawa, na bumasa sa eksrey o sa larawang-satelayt o sa kung ano makakagaling sa isang sakit.
2)      Marunong magbunyag sa kanyang nalalaman at nauunawaan: Meron siyang arte ng pagbunyag, kaya’t naibabahagi niya ang kanyang karanasan sa mga hindi nakadanas ng ganoon; o naibabahagi niya ang kanyang pagka-eksperto sa mga hindi eksperto… sa antas na ito’y posible.
3)      Makatotohanan: Hindi nagsisinungaling.
Itong tatlong ito ang kailangan natin kilatisin kung ibig natin malaman kung kapani-paniwala ang isang tao.
Hindi ko naranasan at hindi kayang unawain ang ukol sa larawang satelayt, eksrey, gamot, Paris, atbp.  Pero kaya kong danasin at unawain kung ang nagsasalita sa akin ay mapapaniwalaan.  Maari at dapat kong tingnanunawainsuriin kung ang taong iyon ay talagan bukal ng kaalaman at karunungan. Talaga ba siyang marunong; makatotohanan ba siyang nagbubunyag? Pananagutan ko ang pagkilatis.
Kaya’t ganito ang katangian ng taong matino sa kanyang pagbibigay tiwala sa kanyang kapuwa:
1)      Marunong kumilatis – sa mga bukal ng kaalaman at karunungan.
2)      Marunong umunawa – sa mga ibinubunyag.
Ang hindi marunong umunawa ay hindi marunong makinabang sa mga ibinubunyag sa kanya.  At hindi rin siya maaring sumang-ayon o tumutol sa mga ibinubunyag.  Sapagkat hindi maaring sumang-ayon o tumutol ang tao, kung hindi niya nauunawaan ang kanyang sinasang-ayonan o tinututulan.

Mga Komplikasyong: Isang Simpleng Prinsipyo

         Hindi palaging simple ang pagrerelasyon ng mga bukal sa mga naniniwala. Kung minsan parang lambat ng mga nagkandabuhul-buhol na lubid ang mga relasyon.  Halimbawa, papaano kong nalalaman na pulo ang Luzon? Hindi ko pa nalilibot ang buong isla.  May mga bahaging nakita ko ang tabing-dagat. May mga detalyeng naririnig, nabasa at pinaniwalaan.  May mga mapa na naniwala akong wasto.  Sa kasong ito, ang pagkaugnay ng mga nakita sa mga pinaniwalaan ay angkop na angkop at hindi mapagdududahan.
Ngunit hindi palaging kasing linaw ng kasong ito ang mga pagrerelasyon ng mga bukal ng katotohanan.  Kung minsan palaging nagbabago ang mga relasyon at nalulula tayo.  Maaring manyari, halimbawa, na maging bukal ng katotohanan ang isang taong sinungaling.  Kung tuso tayo, baka mabakasan natin ang katotohanan kapag binaligtad natin ang kanyang mga pinagsasasabi.  Ngunit, hindi iyan makukuha sa isang otomatik na pagbabaliktad. Kailangan laging subaybayan ng masusing pangingilatis.
Madalas ay nakakalito ang mga laging nagbabagong komplikasyon, ngunit may gabay.  Matino itong simpleng prinsipyong ito: Na dalawa ang palaging kailangan: 1) Na ang mga bukal na pinaniniwalaan ay nakakabit sa totoo at kinakabit ako sa totoo.  2) Na kinikilatis ko at inuunawa itong mga pagkakabit na ito.

Abstraksyo

         Nakita natin na, kung minsan, sa ating pagnanais na makaunawa sa mga detalye ng isang pangyayari, hinihiwalay natin sa ating isip ang nagkakaisa sa talagang totoo.  Ganyan ang ginawa nating noong tinalakay natin ng isa-isa ang pagtingin ng mata at ng isip.  Nakita rin natin na importanteng bumalik palagi sa pagkakaisa at kabuoan na umiiral sa talagang totoo.  Palibhasa’y madalas gamitin itong patakaran ng paghihiwalay sa isip, ng isa at buo sa talagang totoo, mabuting bigyan ng pangalan.  Ang nakaugaliang pangalan ay abstractio.  Katagan Latin: paghihiwalay.  Isusulat kong abstraksyo. Nag-aabstraksyo tayo kapag nalilimutan natin na bukod tangi at iba ang bawat tao, at tinutuonan lamang natin ng pansin ang pagkahawig ng lahat ng tao.  Abstraksyo rin kapag gumagawa ako ng plano at hindi ko pinupuna kung may kinalaman ang plano sa mga bagay na pinagpaplanohan. Inaasahan ko na sa mga susunod na pagmumuni-muni’y magiging alisto ang mambabasa upang mahalata niya kung may nagaganap na abstraksyo, at kung ano ang patakaran ng bawat abstraksyo.  Sa ganoon, sana maging alisto siya at sana isagawa niya, ang palaging pagbalik sa kabuoan ng talagang totoo.

Pambungad sa Metapisika

         Ang bungad ng isang bahay ay pinto… binubuksan sa mga dumadaan ang mga sekretong nakatago sa bahay.  Hindi sekereto ng tahanan ang metapisika, bagkus malalim at malawak na katotohanan na umaanyaya sa lahat.  Ang pambungad sa metapisika ay pintuan na bumubukas sa kalaliman at kalawakan, sa kaparangan, kabundukan, kalangitan.

Noong nakapasok na siya sa pintuan
Yumapak siya
Sa malawak na lupain
Na palayo ng palayo ang mga hangganan
Sinusukuban ng langit
Na pataas ng pataas ang tuktok
Ang mga laylaya’y palayo ng palayo
Sinisikatan ng sariwang araw ang kabuoan

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Reading Materials Guide

Welcome!